Kami, mga kaanib ng pandaigdigang kilusan para sa pagpapaunlad ng wikang Esperanto, ay tumatawag ng pansin sa lahat ng mga pamahalaan, mga pandaigdigang kapisanan at mga taong may pagnanais sa pakikipagkapwa, sa pagpapahayag namin ng mataimtim na mga layuning nakatala dito; at hinihikayat namin ang lahat ng mga samahan at bukod na tao na sumapi sa amin sa pagtataguyod ng mga alituntuning ito.
May mahigit na isang daang taon na nang ang wikang Esperanto, na binigyang simula noong 1887 bilang palatuntunan ng wikang pantulong para sa pandaigdigang komunikasyon at daglian namang umunlad na maging isang hitik at buhay na wika sa kanyang sariling paninindigan, ay nagbigay daan sa pagkakaisa ng mga tao sa kabila ng hadlang ng ibat-ibang wika at kaugalian. Ang mga hangaring pumukaw sa mga gumagamit ng wikang Esperanto ay mahalaga at kapakipakinabang pa rin hanggang sa panahong ito. Ang pandaigdigang paggamit ng ilang pambansang wika, o ang paglago ng mga teknolohiya ng komunikasyon, o maging ang pagkatha ng makabagong pamamaraan ng pagtuturo ng mga wika ay malamang na hindi magbunga ng makatarungan at mabisang wikang batay sa mga simulaing sumusunod na sa loob namin ay mga pangunahing bagay.
DEMOKRASYA Ano man ang sistema ng komunikasyon na nag-kakaloob ng habang-buhay na pribilehiyo sa iba, samantalang kinakailangan naman na ang iba pa ay magbigay ng mahabang panahon upang matutuhan ang kahit mababang kakayanan lamang ay maituturing na hindi maka-demokrasya. Kahit ang Esperanto, tulad din ng ibang wika, ay hindi ganap, dinadaig nito ang ibang wika bilang isang tumbas na komunikasyong pandaigdigan.
Malakas ang aming paniniwala na sa dahilang hindi tumbas ang ibat-ibang mga wika ito ay nagbibigay daan sa hindi rin tumbas na pakikipag-ugnayan sa ibat-ibang baytang ng komunikasyon, pati na ang pandaigdigan. Kami ay kilusan para sa maka-demokratikong komunikasyon.
PANDAIGDIGANG PAGTUTURO Lahat na wikang taal sa ibat-ibang pangkat ng mga tao ay nakatali sa mga kaugalian at sa mga bansa. Halimbawa, ang isang batang natututo ng wikang Ingles ay natututo rin ng kaugalian, heograpiya at mga sistemang pampulitika ng mga bansang Ingles ang salita, tulad ng Amerika at Inglatera. Samantala, ang isang batang natututo ng Esperanto ay natututo ng isang daigdig na walang hangganan.
Paniwala namin na ang pagtuturo ng anumang wika ay nakasalalay sa anumang pagtingin sa mundo ng nagtuturo. Kami ay kilusan para sa pandaigdigang pagtuturo.
MABISANG PAGTUTURO Maliit na porsiyento lamang ng mga estudyanteng nag-aaral ng mga salitang banyaga ang nagiging tunay na matatas sa wikang ninanais. Sa Esperanto, ang pagiging matatas ay maaaring makamit kahit sa pambahay na pag-aaral lamang. Ipinakita ng ilang pagsusuri na ang Esperanto ay makabuluhan bilang paghahanda sa pag-aaral ng ibang wika. Ipinapayo rin na ito ang maging ubod na sangkap sa mga kursong ukol sa kaalaman ng ibat-ibang wika.
Naniniwala kami na ang mga kahirapang hinaharap sa pag-aaral ng ibat-ibang taal na wika ay palaging magiging hadlang para sa maraming estudyante na tiyak namang makikinabang sa karunungan ng pangalawa o pantulong na wika. Kami ay kilusan para sa mabisang panunuto ng wika.
MULTILINGUALISMO Ang pagkakaisa ng Esperanto ay bukod-tanging pandaigdigang pagkakaisa na ang mga miyembro ay pangkalahatang dalawa o ilan ang nalalamang wika. Bawat miyembro ng samahan ay nagsikap na matuto ng salitang banyaga hanggang sa baytang na maging matatas makipagpanayam. Sa maraming pangyayari ito ay humantong sa pagmamahal at kaalaman ng ilan pang ibang mga wika at sa mas malawak na pang-uunawa ng mga bagay-bagay sa mundo.
Aming paniwala na ang mga nagsasalita ng lahat ng ibat-ibang wika, marami man o kakaunti, ay dapat magkaroon ng pagkakataong matuto ng pangalawang wika hanggang sa baytang ng pakikipagpanayam. Kami ay kilusang nagbibigay ng ganoong pagkakataon para sa lahat.
MGA KARAPATAN SA WIKA Ang hindi pare-parehong pamamahagi ng kapangyarihan sa ibat-ibang mga wika ay isang sangkap na bumubuo ng palagiang wikang 'di tiwasay, o ng tahasang pang-aapi ng ibang wika buhat sa mga mas nakararaming populasyon sa mundo. Sa pagkakaisa ng Esperanto ang mga nagsasalita ng ibat-ibang wika, marami man o kakaunti, opisyal man o hindi ay nagpapanayam sa loob ng tumbas na mga tadhana sa pamamagitan ng magkatuwang na kagustuhan ng magkabilang panig na mag-bigayan. Itong pagkakatimbang-timbang na mga karapatan at pagtitiwalaan ay nagbibigay ng batayan sa pag-kakatha at pag-susuri ng mga maaaring kalutasan sa 'di pagkakatumbas-tumbas at sa 'di pagkakauwaro ng mga wika.
Mahigpit na paniwala namin na ang mga malalawak na pag-iiba-iba sa kapangyarihan ng mga wika ay siyang nag-papahina ng mga garantiya, nakasaad sa maraming nakasulat na pandaigdigang kasangkapan, para sa pantay-pantay na pakikitungo ng kapwa tao, kahit ano ang kanilang wika. Kami ay kilusan para sa karapatan ng wika.
ANG PAGKAKAIBAT-IBA NG MGA WIKA Itinuturing na hadlang sa komunikasyon at pag-unlad ng mga pambansang pamahalaan ang malawak na pagkakaibat-iba ng mga wika. Ngunit sa samahan ng Esperanto ang pagkakaibat-iba ng mga wika ay siya namang palagi at ganap na kailangan sa pagpapayaman ng karunungan ng isang tao. Ng dahil doon bawat wika, tulad din bawat nilalang, ay karapatdapat bigyan ng pagsasanggalang at tangkilik.
Lubos na paniwala namin na ang mga patakaran sa komunikasyon at pag-papaunlad na hindi nakasalalay sa paggalang at pagtangkilik sa lahat ng wika ay hatol na kamatayan sa maraming wika ng sandaigdigan. Kami ay kilusan para sa pagkakaibat-iba ng mga wika.
PAGPAPALAYA NG SANGKATAUHAN Ang bawat wika ay nagpapalaya at maari din namang mag-kulong sa gumagamit nito, samantalang nagbibigay ng kakayanan sa kanila na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga sarili ay nagbibigay din namang hadlang na makipag-uganayan sila sa ibang mga tao. Sapagka't ang Esperanto ay sinadyang maging maginhawang gamitin ng sinuman sa madla bilang paraan ng pakikipag-ugnayan, ito ay isa sa mga dakilang proyektong may bisa para sa kalayaan ng sangkatauhan -- nagbibigay laya sa bawat tao na makisali sa pagkakaisa ng sangkatauhan, matatag na nakaugat sa kanyang sariling kaugalian at wika, ngunit hindi naman hinahangganan noon.
Iginigiit namin na ang pagsandig sa tanging wika pambansa lamang manapay lumilikha ng mga hadlang sa kalayaan ng pagsasaysay ng mga sariling paniniwala, komunikasyon at mga pag-sasamahan. Kami ay kilusan ng pagpapalaya ng sangkatauhan.